ZAMBOANGA CITY — Sugatan ang isang sundalo at asawa nito matapos silang pagbabarilin habang pauwi mula sa kanilang tindahan sa lungsod na ito.
Kinumpirma ito ng pulisya at kinilala ang mga biktima na sina Staff Sergeant Randy Rayteran ng Philippine Marines at asawang si Analisa Anicu.
Sakay umano ang dalawa sa kanilang motorsiklo at pauwi na sana sa bahay mula sa kanilang bigasan sa Barangay Tumaga nang pagbabarilin kamakalawa ng gabi ng isa sa dalawang lalaking nakamotorsiklo at nakabuntot sa kanila sa Barangay Guiwan.
Nahagip sa braso ang sundalo samantalang ang asawa naman ay nabaril sa puwitan at tumagos ang bala sa kanyang sikmura. Kahit sugatan ay nakuha pang makalayo ng mag-asawa hanggang sa makahingi ng tulong upang madala sa pagamutan.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin at ayon sa pulisya ay dalawang basyo ng bala mula .45 automatic caliber pistol ang natagpuan sa lugar.