Pinugutan ng ulo ng bandidong Abu ­Sayyaf ang kanilang bihag na sundalo na dating miyembro ng rebeldeng Moro National Liberation Front (MNLF) sa lalawigan ng Sulu.

Ayon sa intelligence report, pinatay si Staff Sergeant Anni Siraji, ng 32nd Infantry ­Battalion matapos itong mabihag noong nakaraang Biyer­nes habang patungo sa Barangay Igasan sa ba­yan ng Patikul na kila­lang kuta ng Abu Sayyaf.

Natagpuan naman ang bangkay ng sundalo kahapon sa Barangay Taglibi sa naturang bayan.

Hindi naman naglabas ng anumang pahayag ang Western Mindanao Command, ngunit Sabado pa lamang ay may impormasyon na umano’y pinugutan si Siraji na tubong Sulu.

Sa isang ulat kagabi ay kinumpirma diumano ni Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng isang Army Task Force sa Sulu na pinatay si Siraji at natagpuan ang kanyang bangkay at ulo sa Taglibi.

Sumanib si Siraji sa militar matapos na lumagda ang MNLF sa peace agreement ng pamahalaan noong September 1996 at libu-­libong mga rebelde ang nabigyan ng pagkakataon na maging sundalo at pulis.

Ngunit marami rin sa mga MNLF ang sumanib sa Abu Sayyaf at iba pang rebeldeng grupo dahil diumano sa ‘di pagtupad ng pamahalaan sa kasunduan tulad ng trabaho at pabahay sa mga rebelde.