Tumaas ang morale ng mga sundalo matapos marinig ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na tumitiyak sa patuloy na suporta sa kanilang hanay.
Ito ang inihayag ni Capt. Jo An Petinglay, spokesperson ng Joint Task Force Marawi, kasabay ng pahayag na mas naging determinado pa ang mga sundalo na ipatupad ang kanilang mandato na ipagtanggol at protektahan ang kasarinlan ng bansa.
Sinabi pa ni Petinglay na hindi ititigil ang operasyon hangga’t hindi nauubos ang teroristang grupong Maute.
Sa kasalukuyan, matindi pa rin ang bakbakan sa pagitan ng Maute terror group at militar sa Marawi City.
Katunayan, malapitan na umano ang labanan na nagiging sanhi ng pagtama ng ligaw na bala sa iba’t ibang panig ng lungsod.
Maalala na kamakailan lamang ay ilang bala ang tumama pa sa kapitolyo ng Lanao del Sur.
Isa sa biktima ng stray bullet ay ang sasakyan ng Commission on Human Rights na nakaparada sa compound ng Kapitolyo habang may tumama pa sa mga pader ng evacuation center.