Sundalong casualty sa Marawi 129 na

Nadagdagan muli ang bilang ng mga sundalong napatay sa patuloy na bakbakan sa Marawi City.

Kahapon iniulat ni Col. Roneo Brawner, deputy commander ng Task Force Ranao, isa na namang sundalo ang nasawi sa ika-91 araw na sagupaan sa pagitan ng mga teroristang grupong Maute at tropa ng pamahalaan sa battle zone area sa lungsod.

Sinabi ni Brawner na aabot na sa 129 ang bilang ng mga sundalong nasawi sa bakbakan.

Gayunman, sinabi ni Brawner na maliit na lang ang lugar na pinagkukublihan ng nasa 30 hanggang 60 terorista na natitira sa main battle area.

Nasa 40 hanggang 60 sibilyan ang natitirang bihag ng grupong Maute dahil marami na rin ang bihag na nakatakas sa kamay ng mga ito.

Inihayag din ni Brawne­r na nasa malala­king mosque pa rin nagtatago ang mga terorista­ na itinuturing nilang strongholds o balwarte ng mga kalaban.

Napag-alaman na sa kabila ng impormasyon na nagtatago sa mga mosque ang mga Maute ay hindi­ naman nila maaaring bombahin ang lugar bilang respeto sa bahay-dasalan.

Gayunman, hindi pa rin titigil ang militar na gumawa ng ibang paraan o taktika sa grounds para mapasok ang mga mosque na nagsisilbing shield at masugpo ang mga terorista.