Patay ang dalawang sundalo habang tatlong iba pa ang sugatan matapos ang naganap na engkwentro kontra sa mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) Martes ng umaga sa bayan ng Maria Aurora, Aurora province, ayon sa ulat ng militar kahapon.

Ayon sa report ng Public Information Office (PIO) ng 7th Infantry Division ng Philippine Army, kasalukuyang nagse-secure sa Barangay Diaat ng nasabing bayan ang mga tauhan ng 91st Infantry Battalion ng 7th ID ng Philippine Army dahil sa pagbibigay ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga mahihirap na residente sa lugar bunsod ng pandemic.

Napag- alaman an bigla na lang pinaputukan ng hindi batid na bilang ng mga rebelde ang mga military escort ng DSWD dahilan upang magkaroon ng halos isang oras na engkwentro.

Matapos ang labanan ay isang sundalo ang nasawi habang apat pa ang sugatan, ilan sa kanila ang malubha na isinugod sa pagamutan subalit nasawi din ang isa pa habang ginagamot sa ospital.

Inaalam pa kung mayroong casualty sa panig ng mga rebelde.

Mariin namang kinondena ni Lt. Col Reandrew Rubio ang ginawang pag-atake ng mga rebelde dahil panahon sana ito ng pagtutulungan ng komunidad bunsod na epektong dulot ng COVID-19.

Namatay ang kanyang mga sundalo na nakikipaglaban para ipangtanggol ang mga mamamayan at maituturing silang mga bayani dagdga pa ni Rubio.(Edwin Balasa)