MAAYOS na nairaos ang launching ng Countdown to MMFF 2016 kamakalawa sa SM Skydome.

Dumalo ang mga artistang kabilang sa mga walong pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival.

Pagpasok namin ng venue, kumpul-kumpol ang mga fans na nandu’n para suportahan ang kanilang mga idolo.

Kaagad narinig namin doon ang mga nagtitiliang fans nina Rhian Ramos, Julia Barretto at Eugene Domingo.

Isa-isang binanggit ng host kung sinu-sino sa mga nandu’n ang sumusuporta sa pelikulang kalahok.

May nagtilian nang binanggit ang Saving Sally dahil kay Rhian. Mas marami ang tumili nang binanggit ang Vince and Kath and James.

Meron din sa Seklu­s­yon dahil siguro kina Ronnie Alonte at Dominic Roque.

Nagulat din kaming maraming supporters ang Ang Babae sa Septic Tank 2, ang Kabisera ni Nora Aunor, at Dabarkads ni Paolo Ballesteros ng Die Beautiful.

Tahimik nang binanggit ang Sunday Beauty Queen at isa pang pelikulang kasali na wala sa kamalayan namin.

***

Isa sa maagang dumating sa venue ay si Nora Aunor.

Ani Ate Guy, “Dapat nating tangkilikin at i-promote ang mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival dahil sa sila lang uli ang nagkaroon ng lakas ng loob na piliin ‘yung talagang de kalidad na pelikulang ginawa.”

Hindi maalis sa iba na mag-react sa bagong patakaran ng MMFF dahil matagal na raw nakaugaliang halos pare-parehong pelikula ang napapanood tuwing MMFF.

“Hindi natin maalis ‘yun sa kanila dahil sa mga nagdaang taon, puro ganu’n ang mga klase ng pelikula ang napapanood sa Metro Manila Film Festival at ngayon nga ay pinili lang talaga ‘yung dapat talaga kasali.

“Hindi natin maalis sa kanila ‘yun.”

***

Si Eugene Domingo naman ay nakiusap na huwag na siyang tanungin tungkol sa isyu nang pagpili ng walong pelikulang kalahok sa MMFF.

Masaya siya at napili ang Septic Tank 2 at maraming dapat na aba­ngan sa naturang pelikula.

“Basta dito sa pagbabalik ni Ms. Eugene, she’s rejuvenated.

“Si Ms. Eugene sa Ang Babae sa Septic Tank 2 ay mas fresh, mas excited to work with director ng Septic Tank 1 si Kean (Cipriano). She’s very inspired,” pahayag ng magaling na aktres.

Nakadagdag pa ng saya sa kanya nung hapong iyun ay dahil nakita niya uli doon si Nora at mahigpit silang nagyakap.

***

Sobrang excited sa pagsisimula ng MMFF ay si Ronnie Alonte.

Dalawa ang pelikula niyang pang-MMFF — Vince and Kath and James at Seklusyon.

Pinag-iisipan niya kung paano hahatiin ang pagsakay niya sa karosa sa darating na Parada ng mga Bituin sa December 23. Baka mauna siya sa Vince, at sa kalagitnaan ng parada, lilipat siya ng Seklusyon.

Sa totoo lang, sa Seklusyon siya nahirapan nang husto dahil pa-cute lang at romcom itong Vince.

“Itong Seklusyon po, ang dami kong pinagdaanan na inilublob ako sa putikan, gumapang ako sa damuhan na merong mga putik-putik, tinapunan ako ng dugo, pero ang dami ko pong natutunan dito,” saad ni Ronnie.

One Response