May bali-balitang matsutsugi na ang “Sunday PinaSaya” ng GMA bago matapos ang taon na ito, kaya hiningan namin ng reaksyon dito si Ai Ai delas Alas.

“Sabi ng isang executive namin, ang isagot ko, ‘Tuloy ang saya.’ So, hindi natin alam kung ano ‘yung tuloy ang saya. Basta, ituloy na lang natin ang saya,” natatawang sagot sa amin ng Comedy Queen.

May nabanggit ba sa kanila na may posibilidad ngang tigbakin na ang Sunday show nila soon?

“Wala pa naman.”

Siguradong malulungkot siya kung totoo ang tsismis, ‘di ba?

“Oo, malulungkot ako, kasi apat na taon din kami. Magli-limang taon na kami sa August next year. Malulungkot ako siyempre, pero life must go on.

“Lahat naman ng shows na nagsasara, nag-o-open ng iba pang doors,” ang very positive na sagot ng komedyana.

Bakit ba may mga ganu’ng balita eh nagri-rate naman ang “SPS”, ‘di ba?

“Oo, nagri-rate kami. Ang commercial nga namin, isang oras, eh. Dalawang oras at kalahati kami, ‘di ba? ‘Yung isang oras doon, commercial ‘yon.

“Ganu’n talaga, may mga bagay na hindi natin alam ang dahilan,” pakli niya.

So, parang kinukumpirma niya na totoo nga ang chika?

“Hindi, hindi ko kino-confirm. In case lang na mangyari, hindi naman natin alam, ‘di ba? Basta, sabi ng mga madame, tuloy ang saya. Eh, ‘di ituloy natin ang saya.

“Siyempre, ayoko namang magsalita. Baka sabihin, atribida ako, nega ako. Huwag naman gano’n. Siyempre, doon tayo sa puro happy thoughts lang tayo at positive vibes. Kasi, positive ‘yung nangyari sa akin ngayon,” sambit ni Ai Ai, na nag-renew ng panibagong 3-year network contract sa GMA kahapon.

Sa bilang ni Ai Ai, 14 years siya before sa ABS-CBN. At all in all, ‘pag pinagsama niya ‘yung noon at ngayon, 16 years na siya sa GMA.

Bukod sa “Sunday PinaSaya” ay napapanood si Ai Ai bilang isa sa judges ng “The Clash” at soon ay bibigyan daw siya ng teleserye.

55th birthday niya sa November 11 at ang wish niya raw ay maging successful ang in vitro procedure niya next year para magka-baby sila ng husband niyang si Gerald Sibayan.

Beauty morbid ang koleksyon

Mala-museum ang bahay ni Beauty Gonzalez, pero hindi ordinaryong art pieces ang kinokolekta niya kundi ‘yung kung tawagin niya ay mga morbid stuff.

Kakaiba ang gusto niyang painting, ‘yung medyo nakakatakot ang dating at hindi niya raw feel ‘yung ordinaryong art works na nakikita usually sa mga bahay.

Mahilig siya sa mga putol na kamay at paa ng mga Sto. Niño. Mga luma, sira at sunog na santo ang kinokolekta niya.

Usually ay hubad o skeleton lang ang mga ito, hindi ‘yung pangkaraniwang mga santo na magagara ang suot.

Paborito niya ang Dolorosa na umiiyak at malungkot. Meron din siyang sunog na painting at koleksyon ng malalaking ngipin ng pating.

Sey ni Beauty, she finds beauty in sadness and in broken things. ‘Yung unique collection niya na ‘yon daw ang inspirasyon niya nang gawin niya ang horror movie na “Hellcome Home” ng Star Cinema.

Hindi pala mahilig manood ng horror movies si Beauty. As in hindi raw sila palanood ng sine ng mister niya dahil nakakatulog siya palagi ‘pag nasa loob siya ng sinehan.

Huli raw niyang pinanood ay “Paranormal” pa at pinalabas sila sa sinehan dahil ang iingay nila ng mga kaibigan niya. Nasa 20 raw sila ng mga beki friends niya.

Asawa ni Raymond Bagatsing ang role ni Beauty sa “Hellcome Home” na bida rin sina Dennis Trillo at Alyssa Muhlach. Ngayon ang showing nito in cinemas nationwide.