Kinumpirma ng aming reliable source na tsutsugihin na ang weekly show ng GMA-7 na “Sunday PinaSaya”.

Ayon sa source namin ay hanggang December na lang ang comedy-musical-variety show ng line produced ng APT Entertainment with GMA network.

Apat na taon ding namayagpag sa ere ang “Sunday PinaSaya” na nagsimulang umere nu’ng August 9, 2015.

Nang huli naming makausap ang isa sa hosts ng “Sunday PinaSaya” na si Ai Ai delas Alas ay ‘nadulas’ ito na magsasara na ang Sunday show nila.

Natatawang naglambing si Ai Ai na i-delete ang sinabi niya, pero may hirit din siya na ayaw niyang magsinungaling at aawayin daw siya ng press ‘pag nagsinungaling siya.

Anong papalit na show sa “Sunday PinaSaya”?

“Eto, totoo ‘to, hindi ko alam,” sagot ni Ai Ai.

So, hanggang kailan pa ang “SPS”?

“Hanggang December, hanggang December meron pa. Ha! Ha! Ha!”

Sa January, wala na?

“Tuloy ang saya! Ha! Ha! Ha!”

In fairness, maraming malulungkot ‘pag nawala ang “Sunday PinaSaya”, ha?

“Tingin mo ba, hindi ako nalulungkot? Maraming pampasaya, marami ring pampalungkot. Dyusko, ano ba ‘yan?” natatawang bulalas ni Ai Ai.

According to our source, ang papalit sa iiwanang timeslot ng “Sunday PinaSaya” ay ang weekly primetime musical-variety show ng GMA na “Studio 7” na hahaluan din daw ng comedy.

Nawalan ng musical-variety format ang Kapuso network nang tsugihin ang “Sunday All Stars” at palitan ito ng “Sunday PinaSaya” na binawasan ang kantahan at mas dinagdagan ang gags at comedy sketches.

Sa pag-takeover ng “Studio 7” sa “SPS” ay mukhang ibabalik ng GMA ang musical format, pero hindi pa rin daw mawawala ang comedy part.

Matatandaan na nang mawalan ng musical-variety show ang Siyete ay naglipatan sa kabilang network ang mga singer dahil wala nang venue for them sa GMA.

Hindi namin sure kung sino-sino sa mga host ng “Sunday PinaSaya” ang masuwerteng mare-retain at magku-crossover sa papalit dito na “Studio 7”.

Abangan na lang natin sa January 2020!

Bea-Angelica inamin ang dating tampuhan

Inamin nina Bea Alonzo at Angelica Panganiban na pareho sila ng pinagdaanan kaya nakaka-relate sila sa isa’t isa at mas bonded sila ngayong nagkasama sila sa pelikulang “Unbreakable”.

Na-rekindle ang dating friendship nina Bea at Angge dahil sa movie at nagkataon pa na dumating ito sa punto ng buhay nila na halos magkapareho ang sitwasyon nila.

Si Bea ay galing sa relasyon kay Gerald Anderson at si Angelica ay kay Carlo Aquino. So, tinutulungan daw nila ang isa’t isa na mag-heal at mag-move on.

Sharing notes daw sila, sabi ni Angelica. At ‘pag down ‘yung isa, sabi ni Bea, ‘yung isa ang magsasabi ng, “Ang dami mo nang kinaya, baklah! Eto pa ba?”

Feeling ni Bea, everything fell into place nang tanggapin nila ang project na ito at lahat nangyari sa tamang panahon.

Dugtong ni Angge, may maturity na kasi sila ngayon at hindi na puro harot gaya noon. Mas lumalim daw talaga ngayon ang friendship nila at parang alam ng tadhana na matutulungan nila ang isa’t isa.

Aminado rin ang dalawa na nag-away sila noon at iniwasan nila ang isa’t isa dahil hindi naman daw nawawala ‘yon sa magkakaibigan.

Sey ni Bea, ‘pag natapos na ‘yung judgment at ill feelings sa isa’t isa ay doon nagsisimula ang totoong pagkakaibigan.

Ani Angge, inayos sila ng time at nagkataon na pinagsama sila sa isang pelikula, so lahat daw nangyari nang may dahilan talaga. Ngayon ay kasama na raw si Bea sa listahan ng true friends ni Angge sa showbiz.

Ang dami raw plano ng dalawa na mga gagawin nila together kasama na roon ang magbiyahe abroad, pero wala pa raw natutuloy. Dati raw ay lagi silang lumalabas at inuumaga sila, na nagbubukas sila ng mga gotohan.

Ayon kay Angelica, makikita sa movie ‘yung lalim na pagkakaibigan nila ngayon ni Bea kung paano nila naitawid ‘yung mga eksena sa “Unbreakable”.

Nilinaw ni Direk Mae Cruz-Alviar na tungkol sa friendship ng dalawang babae through the years ang “Unbreakable” at hindi ito isang kabit movie.

Sa November 27 ang showing nationwide ng Bea-Angelica movie na ang leading man ay si Richard Gutierrez.