Sunog! Abogado, anak, caregiver todas

Magkakasamang namatay sa sunog ang 85-anyos na abogado, anak at ang caregiver nang tupukin ng apoy ang kanilang tahanan sa Barangay Blueridge, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni QC Fire Marshall Col. Jaime Ramirez ang nasawing sina Atty. Aquino Larin, 85; anak na si Joan Larin, 40 at caregiver na si Abby Tulop, 35. Nasugatan naman ang kasambahay nilang si Yolanda Sebrano, 65-anyos.

Sa inisyal na report, alas–2:30 ng madaling-araw (Oktubre 11) nang bigla na lamang sumiklab ang apoy mula sa kusina ng mga biktima sa No. 194 Raja Matanda kanto ng Katipunan Ave., Brgy. Blueridge, QC.

Dahil sa hindi agad nakita ang susi ay nakulong ang mga biktima na nasa ikalawang palapag subalit mapalad na nakalabas ang kasambahay.

“Nagising na lamang po ako na malaki na ang apoy, pero hindi agad kami makalabas dahil nakakandado ang mga pintuan at hindi namin makita ang susi dahil sa sobrang tensyon,” saad ng kasambahay.

Nabatid sa mga arson prober na umabot sa 2nd alarm ang sunog kung saan nasa P1 milyong halaga ng mga ari-arian ang natupok kabilang ang mga kotse sa parking area.

Makalipas ang isang oras ay naapula rin ang sunog sa tulong ng mga tanod, fire volunteer at 22 fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) kaya hindi na nadamay pa ang mga katabing malalaking bahay. (Dolly Cabreza)