Dalawa ang sugatan sa anim na stalls na natupok sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Ganap na alas-8:30 pasado ng gabi nang sumiklab ang apoy sa isang commercial establishment na pagmamay-ari ng isang Joselita Lachica na matatagpuan sa kahabaan ng Sangandaan, Barangay 3 ng nasabing lungsod.
Nagulat na lamang umano ang mga residente sa lugar nang mapuno ng makapal na usok ang lugar.
Base sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula umano ang apoy sa isang salon ng nasabing gusali.
Mabilis na kumalat ang apoy na mabilis din namang idineklarang fire under control.
Isang batang lalaki ang nasugatan habang nasa labas ng gusali at nanunuod sa sunog, sugatan din ang isang security guard ng katabing appliances store na nakilalang si Ermark Hajas.
Kung hindi pa nabuksan ng mga awtoridad ang roll-up ng nasabing appliance store ay hindi pa sana makakalabas ang nasabing sekyu dahil na rin sa naka-padlock umano sa labas ang nasabing tindahan.
Ayon pa kay Hajas, nakuha umano niya ang mga sugat dahil sa mga bubog nang gumapang siya patungo sa siwang ng nasabing roll-up para makalabas.
Inaalam pa kung ano ang pinag-ugatan ng sunog na tinatayang nasa P500,000 ang halaga ng natupok.