Sunog sa Cavite, isa patay

Nasawi ang isang 29-anyos na babae matapos lamunin ng apoy ang kanilang bahay dahil sa sumingaw na Liquefied Petroleum Gas (LPG).

Sa ulat ng Dasmariñas Component Police Station, nagsimula ang sunog dakong alas-nuwebe y medya ng umaga kahapon sa bahay ng mag-asawang sina Gabby Soriano y Leonardo, 31 anyos at ang nasawing si Len Amor Soriano y Eda ng Blk 25 Lot 21 Brgy San Manuel 1 Dasmariñas City, Cavite.

Nagsimula umanong sumiklab ang apoy dahil sa sumingaw na hose ng LPG na dahilan ng sunog na ikinasawi ng babae, habang nagtamo naman ng 3rd degree burn sa katawan ang mister nito na agad isinugod sa pinakamalapit na ospital sa Dasmariñas.

Nadamay din sa sunog ilang kapitbahay ng mag-asawang Soriano at tumagal ang sunog ng isang oras bago ideklarang fire out.