Sunog sa commercial complex sa Port Area, 1 nadale

Napaso at bahagyang nasugatan ang isang senior citizen matapos na sumiklab ang isang sunog sa tindahan ng isang surplus appliances kahapon ng madaling-araw sa Port Area, Maynila.

Kinilala ng Manila Fire Bureau (MFB), ang biktimang si Jojo Acosto, 78-anyos, may-ari ng isang tindahan ng sewing machine.

Sa inisyal na ulat, nagsimula ang sunog dakong alas-tres ng madaling-araw sa tindahan ng second hand appliances na air condition, refrigerator at sewing machine na pag-aari ni Jhonny Go.

Nadamay na masunog ang anim pang tindahan ng mga refrigerator, aircon, washing machine, mga helmet, sewing machine at pati na ang nakaparadang kotse sa tapat ng mga tindahan.

Umabot sa unang alarma ang sunog at idineklarang fire-out dakong alas- 3:44 ng madaling-araw.

Tinatayang aabot sa P100,000 ang napinsalang ari-arian habang P1 milyon naman ang halaga ng mga panindang natupok. (Juliet de Loza-Cudia)