Dear Dream Catcher,
Ang aking napanaginipan po ay nasusunog ang bahay ng aming kapitbahay pero naagapan naman po ito. At ako po ang umapula o pumatay sa huling liyab ng apoy kasi akala nila tapos na ang sunog pero may natitira pa kaya ako na po ang nagbuhos ng tubig po. Ano po ang kahulugan ng panaginip ko?
Sor
Dear Sor:
Ang apoy sa panaginip ay sumisimbolo sa matinding emosyon, galit, paghahangad, sa pagkawasak at maaari rin namang simbolo ng isang pagbabago.
Ang bahagi ng iyong panaginip na ikaw ang naging dahilan para tuluyang mailigtas ang bahay ng kapitbahay mo at ikaw ang pumatay sa huling siklab ng apoy ay indikasyon na kung anuman ang sitwasyon mo sa buhay na maikokonek mo sa iyong panaginip, ipinapakita ng iyong panaginip na kailangan mong mag-damage control.
Pag-aralan ang sitwasyon mo sa buhay, masasabi mo bang naglalaro ka ng apoy o may ginagawang risky sa iyong buhay tulad halimbawa sa pakikipagrelasyon?
Meron ka bang nagiging aktibidad na sa tingin mo’y maituturing mong apoy sa iyong buhay? Kung anuman ito at kung meron man nito sa iyong buhay, dito mo maikokonek ang iyong panaginip. Dito mo kailangang gumawa ng paraan para iapula ang apoy at ilagay sa kontrol ang sitwasyon.
Ang bahay ng iyong kapitbahay ay maaaring representasyon lamang ng iyong sarili. Posibleng nakikita mo ang iyong sarili base sa opinyon ng iba, ng mga taong nakapaligid sa iyo. Madalas ang bawat kilos natin ay lagi nating hinuhusgahan base sa paghuhusga ng ibang tao o masyado tayong nagpapaapekto sa kanilang opinyon. Kung may ganitong nangyayari sa iyong buhay, dito mo mahahanap ang kahulugan ng iyong panaginip.
Sa lumang paniniwala, ang apoy ay itinuturing na good omen at susundan ka raw ng suwerte pero ito’y makalumang paniniwala lamang.
Pag-aralan mo ang iyong sitwasyon at kung meron ka mang pinagdaraanan ngayon na medyo masalimuot na bahagi ng buhay, ipinapakita naman ng iyong panaginip na nananatili ang iyong positibong attitude dahil kaya mong gumawa ng paraan para solusyunan anumang unos na dumarating.
Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.