Natupok ng apoy ang nasa 70 pamilya sa naganap na sunog sa Baseco, Compound sa Tondo, Manila kahapon ng hapon.
Sa inisyal na ulat, ganap na ala-1:30 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa isang tahanan sa Block 1, Baseco Compound, Tondo, Maynila kung saan dahil sa pawang gawa sa kahoy ang mga bahay ay mabilis na kumalat ang apoy.
Tinukoy ng Manila Fire Department na mula sa napabayaang appliances ang pinagmulan ng apoy kung saan ganap na alas-2:20 ay umabot sa ikalimang alarma ang sunog.
Dumating naman ang maraming fire volunteers na tumulong sa Bureau of Fire Protection upang maapula ang apoy ganap na alas-3:09 ng hapon.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung may nasugatan o nasawi sa nasabing sunog at kung magkano ang halaga ng natupok.
Samantala, nagparating naman ng tulong ang lokal na pamahalaan para sa mga naapektuhang pamilya.
Ilan sa mga pamilyang nagsilikas ay pansamantalang nasa kalsada habang hinihintay ang tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan.