MAY nakarating na sa aming kuwento na nagkakaayos na raw ang mag-asawang Timothy Tan at Sunshine Dizon.

Akala namin, nagkabalikan na pero nang nakausap namin si ­Timothy, tumanggi ito.

Hindi raw siya puwede pang magsalita dahil may gag order.

Ang isa pang nakarating sa amin na impormasyon ay may kasong inurong na raw, pero hindi pa alam kung ano ito at kung sino kina Sunshine o Timothy ang nag-withdraw.

Ang sabi lang sa amin ni Timothy, may mga bagong development pero hindi muna niya puwedeng sabihin kung ano ang mga ito.

“Hindi po kasi ako talaga puwede pang magsalita. Pero kapag okay na, sasabihin ko naman po,” matipid na sagot ni Timothy.

Nakausap namin ang kampo ni Sunshine at sinabi sa aming meron pa silang dadaluhang hearing.­ Hindi lang masabi kung kailan.

Mas mabuting hinta­yin na lang daw kung ano ang mga pagbabago mula mismo kina Sunshine at Timothy.

Sabi na lang sa amin ni Timothy, kapag puwede na siyang magsalita, haharap siya sa media para sabihin na ang lahat. Kaya hintayin na lang daw kapag okay.

Ang pagkakaalam namin, nagkakasundo ang mag-asawa pagdating sa kanilang dalawang anak.

Nahihiram na raw ni Timothy at wala silang problema pagdating sa kanilang anak.

Sinasabi ni Sunshine noon pa na lahat nang ito ay ginagawa niya para sa kanyang mga anak.

Kung ano raw ang magpapasaya sa dalawang bata, doon siya.