HINDI na sumipot si Sunshine Dizon sa hearing ng mga kasong isinampa niya sa estranged husband niyang si Timothy Tan at ang babaeng sangkot na si C­la­risma Sison.

Nasa taping daw ang Kapuso actress kaya ang bago niyang abugado ang dumalo.

Dumating na sina Timothy at Clarisma dahil isinumite na nila ang kanilang counter-affidavit.

Hindi pa rin nagpa-interview si Clarisma. Si Timothy ay naibahagi lang ang pagkikita nila ni Sunshine pero nagka­taon lang daw iyun dahil hinatid nito ang mga bata.

Nagpasalamat si T­imothy dahil regular niyang nakikita at nakakasama ang kanyang mga anak.

Hindi ipinagkait ni Sunshine dahil gusto ng aktres na lumaki ang kanyang mga anak na nandiyan ang kanilang ama.

Inaasahang magkakasundo rin ang mag-asawa para sa kanilang mga anak, kahit malabo na ang pagbabalikan.

Ang hindi lang masagot sa ngayon, kung matutuloy ba ang annulment na gusto sanang mangyari ni Timothy.

Hindi pa sumasagot sa amin ang abugado ni Timothy dahil ayaw na niya sigurong ma-quote.

Ang dinig kasi namin, nagkakausap pa rin ang dalawang kampo kung paano nila maaa­yos ang problema para hindi na makakaapekto sa mga bata.

Ang hindi lang namin alam, kung ano ang ba­lak ni Sunshine kay C­larisma.