NAIKUWENTO ni Kiko Estrada sa presscon ng Valentine offering ng Regal Multimedia na My Fairy Tail Love Story na balak daw ng production ng manager niyang si Arnold Vegafria na igawa siya ng pelikula na mala-Tag-ulan Tag-araw na nagpasikat sa ama niyang si Gary Estrada.

Ang Viva Films kasi ang may-ari ng pelikulang iyun, pero naisip daw nina ALV na igawa ng ganung tema ng pelikula si Kiko.

May pagka-sexy din ang tema at okay naman si Kiko rito.

Sabi niya: “I think may gagawin si direk Adolf Alix. It’s gonna be sexy, pero hindi naman seksing-sexy but it’s elegantly­ shot.

“We will be doing Tag-ulan Tag-araw. ‘Yung hindi naman eksaktong remake, pero parang ganun ang story.­”

Nag-iisip daw sila ng maganda rin at sexy pa ring aktres na puwedeng gumanap na mala-Dina Bonnevie na babagay sa May-December affair na kuwento.

Si Sunshine Cruz daw ang isa sa naisip nila. ‘Pag natuloy, siya ang bibinyag kay Kiko.

Natanong namin ito kay Gary Estrada sa press launch ng bagong afternoon drama ng GMA 7 na The Stepdaughters.

Na-excite ang aktor nang nalaman niya ang planong ito para kay Kiko.

“Sana magawa niya. Kung gagawin ni Arnold Vegafria ‘yun,” pakli ni Gary.

Dagdag niyang pahayag, “Basta galingan niya na hopefully it would make the same impact katulad ng ginawa­ sa aking buhay.

“That film really changed my stature and my life. Everything about me. Kumbaga, sino ba naman si Gary Estrada dati na bubuwit lang na artista.­”

Naalala pa ni Gary na second choice lang daw pala siya sa project na ‘yun.

“From what I’ve heard ha? ‘Yung pelikula na ‘yun ay hindi po tinanggap ni Raymart Santiago.­

“So, it was passed on to me. Ako po ‘yung mapalad na sumalo ng pelikula­. And I’m very very super grateful sa namayapang si Celso Ad Castillo at sa aking naka-partner na tinanggap ako dun na si Ms. Dina Bonnevie,” sabi pa niya.

Masaya si Gary sa takbo ng career ni Kiko, at lagi raw niyan pinapaalala sa Kapuso young actor na huwag magbago at dapat laging mabait sa movie press.

Nagpasalamat din si Gary sa GMA 7 na muli siyang kinuha at gusto nga raw niyang magpaka-active na sa showbiz, dahil ilang taon din siyang nag-focus sa public service sa Quezon.

Sa February 12 na magsisimula ang The Stepdaughters na tinatampukan nina Katrina Halili at Megan Young.