Sunshine umareglo sa kasambahay

Payapa na at naayos na ang isyu sa pagitan nina Sunshine Dizon at nang dati nilang kasambahay na si Anabel Agullo.

Ito ay matapos ireklamo ng ka­tulong ang mag-asawang Sunshine at Timothy Tan sa isang programa. Hindi umano binabayaran ng mag-asawa ang kanyang PhilHealth at SSS contribution.

Nilinaw naman ni Sunshine na matin­ding ‘di pagkakaunawaan ang nangyari dahil ang usapan nila ng katulong ay ito mismo ang magbabayad ng kanyang SSS, quarterly.

Sa ngayon ay naayos na ang kanilang isyu. Binayaran na ng mag-asawa si Anabel ng dalawang cheque para sa SSS at PhilHealth.

Pinahatid na rin ni Timothy­ ang mga damit ng kasambahay sa kanyang assistant.

Samantala, isinauli ni Anabel ang IPhone 5 na ipinahiram sa kanya ni Timothy at binayaran na rin niya ang 3 libong piso na utang niya sa mag-asawa.

Sa huli ay malungkot na namaalam ang dati nilang katulong sa kanyang mga alaga na anak ng mag-asawa.

Aniya, “Para po sa dalawa ko pong alaga po dati, si Doreen and Anton Tan po, I love you and I miss you and pasensya na kayo kung bigla akong nawala diyan sa inyo. Sana huwag sumama ‘yung loob niyo sa akin. Mahal ko kayo.” ­(Ronaline Avecilla)