Ang pinakamahalagang araw ng NFL, ang Super Bowl, nagdalamhati kay Kobe Bryant.

Inumpisahan ni Richard Sherman ang tribute, dumating ang San Francisco 49ers cornerback na nakasuot ng No. 24 jersey.

Luminya ang 49ers at Kansas City Chiefs players sa kani-kanilang 24-yard lines bilang saludo sa Lakers great na namatay sa helicopter crash eksaktong isang linggo bago ang Super Bowl LIV. Kasama ni Kobe ang anak na si Gianna, 13, at pitong iba pa.

Ilang fans ang nagsuot ng Lakers jerseys, may mga nakasuot pa ng Lower Merion High School No. 33 ni Kobe.

“Ladies and gentlemen, please join in a moment of silence as the 49ers, Chiefs and National Football League extend our deepest condolences to the friends and families of those lost this past week. … They will never be forgotten,” umalingawngaw sa Hard Rock Stadium nitong Linggo.

Kasabay ng announcement, pinakita sa video screen ang imahe ni Bryant at pangalan ng iba pang biktima. Sa kabilang video screen ang larawan ni longtime Minnesota Vikings star at Pro Football Hall of Famer Chris Doleman na pumanaw din noong isang linggo.

Sa pregame show ng Fox, binasa ni Sherman ang tula na ‘Dear Football’ – halaw sa ‘Dear Basketball’ ni Kobe nang ihayag ang retirement sa NBA noong 2016.

Sa warmups, kita sa cleats (sneakers)­ ng players ang iba’t ibang tribute nila kay Kobe. Purple-and-gold na may ‘Mamba Out’ sa side ang kay Dante Pettis ng San Francisco. Tinapos ni Kobe ang retirement speech niya sa “Mamba Out” matapos umiskor ng 60 sa farewell game. ‘Rest In Peace’ ang nakalagay sa suot ni Emmanuel Sanders ng 49ers. Imahe ni Kobe at No. 24 ang nilagay ni Demarcus Robinson ng Chiefs sa kanya.

Nag-rally ang Kansas City at sa late touchdown ni Damien Williams ay tinalo ang San Francicso 31-20. (VE)