Masusubukan ang powers ng super majority sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isinusulong na emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Naniniwala si Kabayan Rep. Harry Roque na mabilis na lulusot sa Kongreso ang emergency powers dahil sa super majority sa Kamara.
Kaugnay nito ay nagpahayag si Roque ng pagtutol sa hangaring pagkalooban ng emergency powers si Pangulong Duterte para magamit sa pagresolba ng problema sa trapiko.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na kung procurement ang may problema ito lamang dapat ang amyendahan dahil mabilis itong lulusot sa Kongreso sa tulong ng super majority.
Ang dapat, aniya, ay ireserba ang emergency power sa mga extra ordinary cases.
Nakakadala naman, ayon kay Buhay Rep. Lito Atienza, ang pagkakaloob ng emergency powers dahil sa masamang karanasan ng mga Filipino kina dating Pangulong Ferdinand Marcos at dating Pangulong Fidel Ramos na dinala ang bansa sa hirap matapos magkaroon ng dagdag na kapangyarihan.
Ang tinutukoy ni Atienza na emergency power kay Marcos ay martial law idineklara nito noong 1972 matapos maramdaman na aaprubahan ng Kongreso ang dagdag na kapangyarihan na nais nito habang binigyan naman ng E-power si Ramos noong 1992 para resolbahin ang krisis sa kuryente.