Ngayong Disyembre, may tatlong bagong handog ang Super Radyo DZBB sa patuloy nitong paghahatid ng Serbisyong Totoo.

Tuwing Lunes hanggang Biyernes mula alas-tres hanggang alas-kuwatro ng hapon, samahan ang Senior Radio Correspondent na si Rowena Salvacion sa bagong public service program ng DZBB na “Serbisyo On the Spot (S.O.S).”

Layunin ng S.O.S. na makatulong sa mga ordinaryong Pilipino na mailapit ang kanilang panawagan o hinaing sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at gabayan sila sa pag-asikaso ng mga government-issued documents gaya ng birth certi­ficate, marriage certificate, at passport. Itatampok din sa programa ang mga balitang magbibigay ng inspirasyon gaya ng mga simpleng pagtulong sa kapwa.

“Kami ang magiging tulay ninyo patungo sa mga ahensya ng gobyerno para sa agarang aksiyon,” dagdag pa ni Salvacion na kamailan lang ay itinanghal bilang Radio Female Broadcaster of the Year ng Rotary Club of Manila 2018.
Samantala, maririnig na rin sa DZBB ang dalawang kilalang FM disc jocks ng Barangay LS 97.1 na sina Mama Emma at Papa Marky tuwing alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-tres ng mada­ling-araw.

Sasamahan ng ‘Hugot Queen’ na si Mama Emma ang late night callers upang magbigay ng payo sa kanilang mga problema sa pag-ibig, trabaho o pamilya tuwing Martes hanggang Biyernes sa “Mama Emma sa Dobol B.”

Tuwing Sabado at Linggo naman, pa­kinggan ang mga nakaka-inspire na kuwento sa “Buhay-Buhay” kasama ang PPOP Awards Pop Radio Jock of the Year at ‘Life Coach’ na si Papa Marky. Tampok dito ang mga istorya ng callers na siguradong magpapatawa, magpapaiyak at magpapakita ng iba’t ibang pananaw sa buhay.

Tunghayan ang Serbisyo On the Spot (S.O.S), Mama Emma sa Dobol B, at Buhay-Buhay sa Super Radyo DZBB 594 kHz. Maaari ring makinig online via audio livestream sa www.gmanetwork.com/radio/streaming/dzbb. (Roldan Castro)