Parang saranggola na naman ang presyo ng kalangisan na hindi masawata sa pagpaimbulog.
Ang diesel humagupit na sa P45 kada litro, at tataas pa gayundin ang iba pang uri ng fossil fuel.
At kung hindi pa ‘yan sapat, magkakaroon pa diumano ng isang tinatawag na big time oil price hike!
Saan na tayo dadamputin nito masang Pilipino?
Sa ganang akin, isa lang ang solusyon diyan.
At sapantaha ko baka nauna na ang ilan?
Kasi nga naman, pagpalo pataas ng kalangisan papalo din pataas ang mga pamasahe sa public conveyances.
At pagpalo niyan, bulsa nina Juan at Juana ang siyang tiyak na tatamaan.
Motorsiklo ang solusyon riyan.
At napatunayan ko na ito.
Dahil kung hindi sa nabili kong motor de segunda mano ay siya, tiyak pati si misis aangal sa gastos kahit na sabihin mong diesel pa ang gatong sa aming service van.
Dahil kahit diesel pa ‘yan, ang kargang P500 ay ubos din agad makatatlong hatid-sundo palabas at papasok lang sa loob ng village namin dito sa Sto. Tomas, Batangas.
At kung lalagpas ka pa sa bandang Tanauan City, baka maging dalawa na lang sa halip na tatlo.
Ang gamit kong motmot (motorsiklo) ay kumokonsumo lang ng isang litro kada 50 kilometro.
Kung kaya’t ito ang dahilang kung bakit nasa P500 pa lang ang naipapakarga ko rito na halos mag-iisang buwan na mula nang mabili ko siya.
Ibayong ingat lamang sa daan ang nararapat na maging panuntunan ng lahat.
Maliban pa sa super tipid si motmot, super lusot din siya sa lahat ng uri ng trapiko.
To God be the Glory!