Inirekomenda sa Kamara ang pagpapatupad ng mandatory drug testing sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan gayundin sa lahat ng kawani ng gobyerno upang maipakita sa taumbayan na talagang sinsero at seryoso ang kasalukuyang gobyerno sa laban kontra iligal na droga.
Dapat ani Surigao Rep. Ace Barbers na nagsusulong ng panukala na maging ang mga miyembro ng Judiciary, Kongreso, Senado, executive department, mga ahensya ng gobyerno, mga empleyado sa kada-line agency ng gobyerno ang sumasailalim sa mandatory drug testing.
Wala raw dapat exempted sa testing sakaling sumailalim ito sa mandatory process kung saan ay saklaw lahat ng kawani ng gobyerno at lahat ng nagtatrabaho sa government agency.
Sabagay nga naman ginagawa na ito sa hanay ng kapulisan, lahat ng miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaya tama lamang na lahatan na ang gawing pagpapatupad dito.
Para sa amin hindi naman malaking kawalan sa kahit sinumang opisyal at tauhan ng gobyerno na sumailalim sa isang drug test bagkus ay malaking tulong ito para maklaro at hindi maakusahang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Papaano magtatagumpay ang kampanya kontra iligal na droga kung hindi bubuhos ng suporta ang lahat ng nasa pampubikong tanggapan.
Kaya maging ang mga nasa pribadong sektor ay sumusuporta sa magandang hangaring ito ng gobyerno upang tuluyang madeklarang drug-free ang ating bansa.