Isang kampanya ang nakatakdang ilunsad ng isang parokya ng simbahang Katolika sa Lungsod ng Caloocan upang matigil ang kaliwa’t kanang pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga sa bansa kasabay ng kampanya ng gobyernong Duterte kontra iligal na droga.

Panawagan ng nasa likod ng kampanyang tinaguriang “Healing, not Killing” na si Fr. Luciano Felloni ng Our Lady of Lourdes Parish sa Caloocan City, suportado nila ang anti-crime at drug drive ni Pangulong Rodrigo Duterte pero labis nang nababahala anila ang simbahan sa lumolobong bilang ng mga napapatay ng mga operatiba ng pulisya at tinatawag na vigilante group sa mga drug operation bunga ng pagpapatupad ng gera kontra iligal na droga ng pamahalaan.

Hindi lamang ang nasabing parokya ang hayagang umaalma sa serye ng patayan kundi maging ang liderato na ng simbahang Katolika.

Sa katunayan nitong Linggo ay nanawagan si Manila Archbishop Lui­s Antonio Cardinal Tagle sa sambayanang Filipino na huwag maging “selective” sa pangangampanya para sa proteksyon ng buhay sa kasagsagan ng laban ng pamahalaan sa iligal na droga.

Apela ng Arsobispo, dapat na binibigyang proteksyon ang lahat ng buhay hindi lamang ang buhay ng mga mahal sa buhay. Inosento man o hindi, sinuman ay dapat nirerespeto at pinipreserba ang buhay.

Ang halos magkakatugmang panawagan ng ilang opisyal at kinatawan ng simbahan ay malinaw na pruweba na kailangang maghinay-hinay sa paggawad ng parusa sa mga sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.

Naniniwala kami katulad ng pananaw ng simbahan na hindi sapat na magreklamo lang tayo na itigil na ang pagpatay.

Kailangang may konkretong tulong para maramdaman ng gobyerno na nakakaalarma na ang kaliwa’t kanang pagtimbuwang ng mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.

Kaya sana ay matinag naman na ang mga nagpapatupad ng batas at maging ang vigilante group na sumasawsaw sa nangyayaring patayan.

Para sa amin, hindi mangangahulugan ng tagumpay ng kampanya kontra iligal na droga ang dami ng mapapatay kundi ang dapat na bigyang pansin ay ang dami ng mababago ang buhay dahil sa kampanyang ito ng pamahalaan.

2 Responses

  1. “Panawagan ng nasa likod ng kampanyang tinaguriang “Healing, not Killing”
    na si Fr. Luciano Felloni ng Our Lady of Lourdes Parish sa Caloocan
    City, suportado nila ang anti-crime at drug drive ni Pangulong Rodrigo
    Duterte pero labis nang nababahala anila ang simbahan sa lumolobong
    bilang ng mga napapatay ng mga operatiba ng pulisya at tinatawag na
    vigilante group sa mga drug operation bunga ng pagpapatupad ng gera
    kontra iligal na droga ng pamahalaan.”

    Sa gyera me namamatay, inosente man o hindi. Kung suportado niyo ang Pangulo, huwag na kayong magreklamo. Ang magagawa niyo na makakatulong ay Ipagdasal niyo na lang na sana ang mga namatay ay patawarin ang kanilang mga kasalanan at tanggapain sa langit ang kanilang mga kaluluwa. At kung magagawa ninyo, sumama kayo sa operatiba ng mga pulis at pumagitna kayo sa barilan sa pagitan nila at ng mga drug suspects. Baka sakaling makumbinsi ninyo itong mga bangag at utak ipis na mga drug traffickers na ‘to na sumuko.

    At huwag niyong isipin kahit minsan man lang na ang inilunsad ninyong “Healing not Killing ” na kampanya ay mahihinto ang programa ng Presidente laban sa illegal na droga dahil hinding-hindi mangyayari yan. Kaya, sa mga pagkakataong ito, isa lang puwede niyong gawin laban sa war on drugs ni Pangulong Duterte:

    1. problema sa mga hindi balansyadong reports tulad nito para bang libo libo ng durugista ang napapatay. ilang milyon ang mga pilipino sa pinas? ilang daang libo ang mga adik sa bawat probinsya? ilang daan ang mga napatay? ilang libo na ang kusang sumuko? may pinatay ba sa mga sumuko? libo ba? tanong: ilang porsyento ng mga sumukong drug pushers/users ang mga napatay? ilang biktima ng mga drug-related crimes ang naganap? between an addict na pag bangag ay pumapatay para makabili ng shabu (dahil sabi mahirap lang, di ba?) at walang muwang na bata na pwedeng maitulak at mabulid sa droga, sino ang dapat mong proteksyonan? kung ikaw ay nilooban at ang anak mo ay nirape, or pinugutan ng ulo ng bangag sa droga ano ang isisigaw mo? at ano ang ginagawang tulong ng mga simbahan ng iba’t ibang religion para timino ang mga durugist at para maiiwas ang hindi pa? noong 70’s nascent pa ang droga sa pilipinas. apat na dekada after that lomobo na at kung di pa kay digong di pa natin malalaman na halos lubog na ang bansa sa droga. so maraming nawalan ng kita mula sa droga, pero marami naman ang maliligtas pag nanalo ang laban ni digong.

      at tandaan mo, may choice ang mga durugista/pushers and users. surrender or die. alam din nila na pwede silang ipapatay ng mga drug lords, or mga corrupt na pulis. kaya mas mabuti siguro tumulong ka kayang hikayatin sila na sumuko?