Bakasyon na naman at kasabay ng bakasyon ay ang summer season sa ating bansa.

Dahil bakasyon na ang mga estudyante, mara­ming magulang ang nagpaplanong magbakasyon sa iba’t ibang lugar. Mayroong sa loob lamang ng bansa at mayroon namang nangingibang-bansa.

Hindi natin ito maiiwasan dahil naging bahagi na ito ng buhay ng lahat. Ang makapag-relax pagkatapos ng mahabang panahon ng pagtutok sa mga anak sa eskwelahan at pagpasok naman ng mga bata.

Pero sana sa ating pagbabakasyon ay bigyang pansin natin ang mga lokal na pasyalan sa ating bansa.

Hindi sa dini-discou­rage ko kayong mamasyal sa ibang bansa dahil karapatan natin ito.

Kanya nga lamang napakaraming magagandang lugar dito mismo sa Pilipinas na tiyak kung hindi nyo pang lahat napapasyalan.

Sa tingin ko, mas mainam na libutin muna natin ang magagandang tanawin sa ating bansa bago tayo mangibang-bansa.

Dahil kapag dito ka lamang sa Pilipinas nag-ikot, nakatulong ka na sa turismo ng ating bansa ay nakatipid ka pa sa gastos at sa pagod.

Kaya ako nagre­rekomenda na dapat ay pasyalan muna natin ang magagandang tanawin o pasyalan sa ating bansa ay dahil sa nakikita kong bultong mga kababayan natin ang namamasyal sa Hong Kong, Korea, Japan, Thailand, Indonesia, Vietnam at kung saan-saan pang lugar sa Asya.

Sana bago tayo mag-explore sa ibang bansa ay tangkilikin muna natin ang sariling atin.

Kaakibat ng aking panawagang tangkilikin muna ang sariling atin, sana naman ay maging aktibo ang DOT sa pag­lalabas ng magagandang biyahe na mura na ay ligtas pa ang ating mga kababayan.

Sa totoo lang kasi minsan ay mas mura pa ang mga package na ibi­nibenta patungo sa ibang bansa kaysa sa mga ini­aalok na mga local trips kaya sana ay makita ito ng tourism industry dahil sila lang ang alam kong may kakayahang magbigay ng abot-kayang mga bakasyon.

Hindi naman siguro ipagkakait ng ating mga kababayan na ikunsi­derang mamasyal sa mga local na pasyalan kung abot-kaya at higit sa lahat ay mas bongga kumpara sa mga dinadayo pang mga pasyalan sa ilang bahagi ng mundo.