Arestado ang isa sa mga supplier ng iligal na droga sa unang distrito ng Laguna matapos itong isumbong ng kaniyang mga parokyanong tulak na unang naaresto ng mga pulis kamakalawa nang gabi.

Kinilala ni S/Supt. Eleazar Matta, Laguna police provincial director, ang suspek na si Edwin De Vega, ng Brgy.
Butong, Cabuyao City, gayundin ang mag-asawang sina Jaime Reyes at Jimelyn Reyes na tumulong sa suspek sa pagbebenta ng droga sa mga pulis.

Nakuha sa pag-iingat nito ang walong sachet ng shabu na may timbang na 36 na gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P288,000.

Batay sa ulat, unang naaresto ang dalawang tulak na sina Ronnel Magpantay at Bernadette Añonuevo sa buy-bust operation sa Brgy. Dela Paz, Biñan City.

Sa interrogation, inginuso ng dalawa si De Vega na pinagkukunan ng kanilang ibinebentang shabu.
Nagkasa ng ikalawang operation ang mga awtoridad sa tahanan ni De Vega sa Cabuyao City at naaresto ito dakong alas-11:45 nang gabi.