Patay ang isang lalaki na sinasabaing supplier ng mga party drug o ecstasy matapos na manlaban umano sa isinagawang buy-bust operation sa Cebu City.

Kinilala ang nasawing suspek na si Kenneth Rosales na agarang namatay sa lugar ng insidente sa Brgy. Zapatera matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan nang makipagbarilan sa mga aarestong awtoridad.

Isinagawa ang buy-bust operation laban sa suspek dakong ala-una kahapon nang madaling-araw sa loob ng kotse nito. Subalit nakahalata si Rosales na pulis ang kanyang katransaksyon kaya pinaharurot nito ang kotse at binangga ang sasakyan ng mga pulis dahilan upang pagbabarilin siya nito.

Ayon sa pulisya si Rosales ay parte ng drug matrix na sangkot sa pagbebenta ng ecstasy sa nasabing siyudad.

Ang grupo nito ang pinaniniwalaang source ng mga party pill na nainom ni Ashley Abad, 19, na namatay sa pre-Sinulog concert noong Enero 21.

Nakuha sa napatay na suspek ang apat na pakete ng tablet ng ecs­tasy at apat na pakete ng cocaine.