Supply ng baboy kakapusin – DA

May sapat na pagkain sa bansa ngayong taon maliban na lang sa baboy na nakikinita ng Department of Agriculture na magkaka-shortage ngayong taon.

Sa virtual presser, sinabi ni DA spokesperson Noel Reyes na may sapat na bigas, mais, gulay, isda at manok sa bansa subalit may kaunting kakulangan sa suplay ng baboy.

Sabi ni Reyes, hinahanapan na ng DA ng solusyon ang problema at nakikipag-usap na ang kagawaran sa mga hog raisers para mapunan ang napipintong shortage.

Sabi ni Reyes, nakikipag- usap na ang DA sa mga hog raisers ng Mindanao at Visayas para sa suplay ng baboy sa Metro Manila na siyang pinakamaraming kinokonsumong karne kumpara sa ibang rehiyon sa bansa.

Walang kakayanang magpalaki ng mga baboy at manok ang Metro Manila kayat nag-aangkat ito sa iba’t ibang lugar.

Sabi ni Reyes, nakipag- usap na ang kagawaran para sa suplay ng baboy sa Metro Manila galing General Santos City at nagnenegosasyon na sa presyo.

Tinitignan din ang Davao at Cagayan de Oro para mapunan ang kakulangan sa Metro Manila. Aniya, tuloy- tuloy naman ang dating ng mga baboy mula Batangas at Pampanga patungo sa Metro Manila. (Eileen Mencias)