Supply ng kuryente naibalik na sa normal

Supply Kuryente

Balik na ang liwanag. Ito ay matapos kumpirmahin ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na naibalik na sa normal ang supply ng kuryente na naapek­tuhan ng power tripping dulot ng naganap na lindol kamakalawa ng hapon.

Sa advisory ng NGCP, nawalan ng mahigit sa 2,000 megawatts ang kabuuan ng Luzon Grid dahilan para magpatupad ng automatic load dropping sa ilang lalawigan sa ­Luzon kabilang ang Batangas, Laguna, ­Quezon, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, ­Tarlac at Nueva Ecija.

Kaugnay nito, sinabi ng NGCP na patuloy nilang tinututukan ang sitwasyon at tiniyak ang kahandaan para rumesponde sa oras ng emergency tulad ng lindol.

Samantala, balik na sa normal ang operasyon ng Batangas Port kamakalawa rin ng hapon matapos suspendihin ng ­Philippine Coast Guard ang kanilang ­operasyon dahil sa pagyanig.