Humina ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong Nobyembre dahil sa pagbaba ng presyo ng gasolina at pagkain.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 6% ang inflation rate noong Nobyembre mula sa 6.7% nitong Oktubre. Ang inflation rate ay ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin mula sa bigas at iba pang pagkain, kuryente, tubig, gastos sa cellphone, pasahe, renta sa bahay at iba pa.

Gayunpaman, lampas-lampas pa rin ang ­November inflation sa target ng pamahalaan na 2 to 4% ngayong taon.

Kung susumahin ang inflation simula Enero hanggang Nobyembre, nasa 5.2% pa rin ang ave­rage inflation rate.

Sabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), kinokompirma nito na humihina na ang tinatawag nitong price pressures.

Dagdag pa nito, ang pananaw na bababa na ang inflation sa 2019 hanggang 2020 ay base sa paniniwalang maaprubahan ang rice tarrification bill na magpapadali ng pag-angkat ng bigas sa bansa na ikinatatakot naman ng mga magsasaka na ikawawala ng kanilang kabuhayan.

Ikinatuwa naman ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagbaba ng inflation.

Hirit ni Arroyo, pabahain pa ang supply ng mga pangunahing pangangailangan ng mga Pinoy para tuluyang mahatak pababa ang inflation.

“Well, I’m very happy to hear about the ­easing inflation,” nagagalak na pahayag ng pinuno ng ­Kamara.

“I guess the moral of the story is, when there is a supply side inflation, then we increase the supply. But we should do it as soon as we detect the supply side inflation,” sabi pa ni Arroyo sa isang ambush interview kahapon.