Supply ng tubig sa Metro Manila dinagdagan

Dinagdagan ng National Water Resources Board ng dalawang cubic meters per second ang allocation ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para mapunan ang pangangailangan sa Metro Manila na concession area nito habang aligaga pa sa COVID-19.

Sa isang pahayag, sinabi ng MWSS na binigay ng NWRB ang karagdagang 2 CMS na hiningi nito noon pang March 12. Mula May 14 hanggang May 31 , ay 48 CMS na ang alokasyon sa concession area ng MWSS mula sa 46 CMS.

Ayon sa MWSS, nagkaroon ng malawakang service interruption sa service area nito dahil lumakas ang gamit sa tubig.

“The MWSS has strongly urged the NWRB that it needs its 2 CMS to meet the supply requirements of Metro Manila amidst the COVID19 pandemic,” sabi nito sa pahayag.

Nagsumamo umano ang MWSS sa NWRB na dagdagan ang alokasyon para makatulong laban COVID-19 pandemic. Dumagdag din sa problema ang init kaya lumalakas din ang gamit ng tubig ng maraming consumer.

Sa kabila ng mga hakbang na ginawa para makatipid sa tubig at dagdagan ang suplay mula sa Laguna Lake at mga deep well, dumagal din ang pagdaloy ng tubig mula sa Umiray River papuntang Angat dam.

Tiniyak ng MWSS na patuloy nitong titimbangin ang pangangailangan ng publiko at ang kakayanan ng Angat na magbigay ng malinis at sapat na tubig sa Metro Manila at sa service area nito. (Eileen Mencias)