Pinangalanan na ng Food and Drug Administration (FDA) kahapon ang limang brand ng suka na may halong synthetic acetic acid.
Batay sa FDA advisory na inilabas nitong Martes, kabilang sa mga brand ng suka ay ang mga sumusunod:
*Surebuy Cane Vinegar (na ang expiry date ay Marso 26, 2021);
*Tentay Pinoy Style Vinegar (na ang expiry date ay Marso 18, 2021);
*Tentay premium vinegar (Batch/Lot No. TV SEP0718AC):
*Tentay Vinegar Sukang Tunay Asim (expiry date Hunyo 6, 2020);
*Chef’s Flavor Vinegar na batch 8870401 at Abril 1, 2021 ang expiry date.
Ayon sa FDA, sinuri nila ang 39 na sample ng mga suka mula sa iba’t ibang lugar at itong lima ang natuklasang may synthetic acetic acid.
Batay umano sa administrative order na nagtatakda ng Standard of Identity and Quality of Vinegar, ang suka na mayroong “artificial matter” katulad ng synthetic acetic acid ay hindi maaaring ibenta sa publiko.
Gayuman, sinabi rin ng FDA na hindi naman nangangahulugan na masama sa kalusugan kapag ginamitan ng synthetic acetic acid ang suka.
Ibig sabihin lamang umano nito ay mababa ang kalidad ng produkto.
“The FDA would like to reiterate that the presence of synthetic acetic acid is not a safety issue and does not pose any health risk to consumers as this only means that the vinegar is of substandard quality,” ayon sa advisory na inilabas ni FDA Officer-In-Charge Undersecretary for Health Rolando Enrique Domingo.
Ang Surebuy vinegar ay house brand ng Rustan’s Supermarket.
Nabatid na ipinag-utos na ng Rustan’s kahapon na alisin sa kanilang mga supermarket ang Surebuy vinegar kasunod ng FDA advisory.
Nagsimula ang isyung ito sa mga suka mula sa ginawang pag-aaral ng Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) na nagsabing walo mula sa 10 brand ng suka na kanilang sinuri ay “fake”. (Eileen Mencias/Juliet de Loza-Cudia)