Arestado ang magkapatid sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Drug Enforcement Unit ng Baler Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Aurora, Biyernes nang umaga.
Kinilala ni P/Cpt. Ferdinand Beatriz Usita, Baler police chief, ang suspek na sina Arwin Bihasa, 29, surfer at ang utol na si Joshua, 19, kapwa taga-Barangay Buhangin, Baler, Aurora.
Ayon kay Usita, si Joshua ay una nang sumuko sa Oplan Tokhang subalit nagbalik muli sa pagtutulak.
Ikinasa ang buy-bust operation matapos makatanggap ng tip ang pulisya na may nagaganap na pagbebenta ng marijuana kung saan ay target na buyer ng mga ito ay mga surfer at iba pang turista.
Nakuha mula sa magkapatid ang isang tea bag na naglalaman ng marijuana at P500 buy-bust money matapos magbenta ng damo ang mga suspek sa isang pulis na umaktong buyer bandang alas-9:00 Biyernes nang gabi sa Brgy. Buhangin, Baler, Aurora.
Hinugot din ng pulisya ang mga nakatanim na marijuana sa labas ng bahay ng magkapatid. (Vick Aquino)
=