Dahil sa serye ng paglindol na yumanig sa Surigao del Norte sa nakalipas na mga araw, patuloy na mino-monitor ng Phivolcs ang lalawigan.

Unang naramdaman ang lindol sa lalawigan noong Abril 26 na sinundan ng higit 700 serye ng pagyanig na mayroong magnitude mula 1.5 hanggang 5.5.
Batay sa advisory na inilabas ng Phivolcs kahapon, may dalawang sitwasyon ang posibleng mangyari. Una ay magkakaroon pa ng mga pagyanig na hihina sa susunod na mga araw.

Pangalawa, posible umanong humantong ito sa mas malakas na lindol.

Paliwanag ng Phivolcs, ang nangyayaring serye ng pagyanig sa lalawigan ay dahil sa subduction o ang paggalaw ng Philippine Sea Plate.

Paalala naman ng ahensya, kinakailangan ng paghahanda ng mga residente sa lugar at patuloy na magkaroon ng tunay na impormasyon ukol sa lindol.