Surigao del Sur gov pumanaw sa edad na 72

Sumakabilang-buhay sa edad na 72 ang kasalukuyang Surigao del Sur governor na si Vicente Pimentel Jr. kahapon, araw ng Pasko.

Ayon sa pamilya ng gobernador, namayapa ito habang natutulog, isang araw matapos lumabas sa ospital. Iginiit umano ni Pimentel na umuwi sa kanilang tahanan upang doon ipagdiwang ang Kapaskuhan kasama ang pamilya.

Bago maging gobernador ng nasabing probinsya, nagsimula si Pimentel sa pagiging barangay captain ng Tandag, naging alkalde ito ng Carrascal mula 1992 hanggang 2001 at 2010 hanggang 2016.

Papalit sa puwesto nito si Vice Governor Manuel Alameda Sr. hanggang sa halalan sa May 2019.

Matatandaang naghain ng candidacy para sa muling pagtakbo sa pagka-gobernador si Pimentel ngunit nag-withdraw ito dahil sa kondisyon ng kalusugan, at pinalitan ng kapatid na si Tandag City Mayor Alexander Pimentel.