Pinaghahanap ngayon ng mga rescue team ang isang surveyor na umano’y nalaglag at nalunod sa ilog habang nagsasagawa ng hydro survey sa Barangay Ma. Cristina East, Bangay, La Union noong Martes ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Billy Joe Canonizado, 29, tubong Brgy. San Felipe, Cabangan, Zambales.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon sa Bangay Police Station (BPS), tumawid umano ang biktima sa ilog sakop ng nasabing barangay nang biglang nadulas at aksidente itong mahulog.

Sa lakas ng agos, tinangay si Canonizado sa may malalim na parte ng ilog hanggang sa tuluyang maglaho.

Habang isinusulat ang balitang ito, nagsasagawa ng retrieval operation ang Philippine Coast Guard (PCG) kasama ang Local Disaster Risk Reduction Office upang hanapin ang nawawalang surveyor. (Allan Bergonia)