Patay ang 89-anyos na babae na pinaghihinalaang mayroong coronavirus disease-19 (COVID-19) nang tumalon ito sa ikaapat na palapag ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), Cagayan Valley noong Miyerkoles.
Ito ang kinumpirma ni CVMC chief Dr. Glenn Mathew Baggao at sinabing ang insidente ay nangyari alas-2:05 ng madaling-araw mula sa medical room ng biktima.
Ayon sa record ng ospital, ayon kay Baggao, ang biktima ay naka-confine sa nasabing ospital dahil siya may suspected coronavirus patient na kasalukuyang itong inoobserbahan.
Sa police record ng Cagayan City Police Station, laking gulat ng mga room attendant ng ospital noong makita na nakabukas ang bintana malapit sa biktima at noong dumungaw ang mga ito sa baba ng gusali ay doon nila nakita ang biktima.
Agad na kinuha ang biktima at dinala sa emergency room ngunit siya ay namatay habang nilalapatan ng lunas ng mga attending physician ng CVMC.
Sinabi ni Baggao na isa ang matanda sa mga pasyente na naka-quarantine sa CVMC. (Allan Bergonia)