Suspek sa Cotabato bombing sumuko

Hawak na ng pulisya ang isa sa dalawang suspek sa pambobomba ng isang mall sa Cotabato City noong bisperas ng Bagong Taon na ikinamatay ng dalawang katao at ikinasugat ng 35 iba pa.

Sa isang panayam kay Soccsksargen Police Regional Director Chief Supt. Elisieo Tam Rasco, kinilala ang suspek na si Salipundin Pasandalan, 56-anyos, nang isuko ng mga kaanak dahil namukhaan sa litratong ipinakita sa mga balita.

Si Pasandalan umano ang naging lookout ng kasamahan na nag-iwan ng improvised explosive device sa pagpapasabog sa tapat ng South Seas Mall.

Mariin namang itinanggi ng sumukong suspek ang paratang sa kanya, habang kinumpirma ni Rasco na wala ang pangalan ni Pasandalan sa listahan ng Abu Sayyaf Group.