Nang magsimulang magtinda si Domeng ng isang putahe ng ulam at kanin, bukod sa kape, balot at chicharon dahil na rin sa udyok ng mga trabahador, nadagdagan ang kanyang kinikitang salapi kaya’t hinimok siya ni Lalie na magdagdag sila ng tatlo pang putahe.

Bukod sa adobo, nag­luto rin si Lalie ng papaitan at kaldereta na nagustuhan, hindi lang mga mga trabahador kundi ng ilan ding opisyal sa Port Terminal.

Ang dating isang mesa na inuupahan ng mag-asawang Domeng at Lalie sa loob ng Harbour Center, nadagdagan pa ng da­lawa hanggang sa kumuha na rin sila ng serbidora, helper at isa pang kusinera dahil bukod sa papaitan, adobo at kaldereta, nagustuhan din ng mga custo­mer ang kanilang sinigang na tuna.

Ayon kay Lalie, dalawang ulit pa silang nagpapabalik-balik ni Domeng sa Agora Market sa Navotas kung saan sila namimili ng mga sariwang isda at karne na kanilang lulutuin dahil hindi kaya ng sinasakyan nilang tricycle ang kanilang mga pi­namimili.

Naging bantog sa loob at labas ng Harbour Center ang maliit na carinderia ng mag-asawang Domeng at Lalie na tinawag na “Batang Canteen” dahil sa masarap na putahe na karamihan ay lutong Batangas.