Unang umalis palabas ng bansa matapos ang pag-aaral ang panganay na anak ni Domeng na si Maria Fe na nagpasyang magtungo sa Paris upang doon magtrabaho na sinundan ni Marisol na sa bansang Korea naman nakahanap ng trabaho.

Masuwerte namang nabigyan ng pagkakataon si Morris na makapagsanay sa kanyang tinapos na kursong Tourism sa Estados Unidos kaya’t masasabing na­ging matagumpay sa kanilang pangarap ang mag-asawang Domeng at Lalie na mapagtapos sa kolehiyo ang mga bata.

Gayunman, hindi natapos ang pa­ngarap ng mag-asawa dahil itinuon naman nila ang ambisyon na magkaroon na ng sariling bahay lalo na’t matagal na rin silang nangungupa­han sa pamilya Magpayo sa Block 9 Lot 22 Phase 1-B sa Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) sa Navotas city.

Ayon kay Lalie, plano nilang bilhing mag-asawa ang isang bahay na nasa unahan ng pa­milya Magpayo na inialok sa kanila kaya’t patuloy ang kanilang pagsisikap upang matupad ang pagkakaroon nila ng sari­ling tirahan.

Gayunman, gumuho ang magandang pa­ngarap ng mag-asawa matapos dumating ang matinding dagok sa buhay ni Lalie nang tambangan ang kanyang asawang si Domeng noong Nobyembre 29, 2018 sa harap ng Manalo Store sa kanto ng M. Naval at Sarap Buhay St. sa Brg.y North Bay Boulevard North (NBBN) sa Navotas City.