Gayunman, marami rin namang nagaganap na pagpatay, lalo na sa karumal-dumal na paraan ang sa kalaunan ay nalulutas ng pulisya matapos mahuli at masampahan ng sakdal ang may kagagawan ng krimen kahit pa nga hindi natukoy ang kanyang tunay na motibo.

Hindi man aminin ng akusado ang ginawang krimen at kung ano ang kanyang motibo sa pagpatay, ang tanging nasisilip ng pamilya ng biktima ay ang namayaning inggit o hinanakit ng kung sino man ang may kagagawan o utak sa nangyaring krimen.

Isa na rito ang nangyaring pagpaslang sa isang canteen operator na si Domingo Panganiban noong Nob­yembre 29, 2018 na sa buong panahon ng kanyang buhay ay hindi nasangkot sa anumang uri ng kaguluhan o illegal na aktibidad at sa halip ay hinangaan sa kasipagan, kabaitan at pagiging matulungin na posibleng naging dahilan upang siya’y kainggitan.

Isinilang si Domingo sa bayan ng San Nicolas sa lalawigan ng Batangas sa mag-asawang Zosimo at Ofelia noong Agosto 4, 1966 at bunso sa apat na magkakapatid.

Panganay na anak ng mag-asawa ang kuya ni Domingo na si Manong Max na dating miyembro ng Philippine Air Force (PAF) na sinundan ng kanyang mga ate na sina Leni at Annie.

Noon pa man ay kinakitaan na ng angking kasipagan si Domingo na kilala sa bansag na ‘Domeng’ dahil tumutulong na kaagad siya sa kanyang mga magulang sa paghahanapbuhay habang nag-aaral sa Jose Rizal College of Taal sa Batangas.