Suspek sa pagpatay sa ulirang ama arestado makalipas ang isang taon

Sa kabila ng sinapit na trahedya, hindi sumuko si Domeng na tuparin ang pangarap nilang mag-asawa na mapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak kaya’t kahit mag-isa na lamang ay pilit niyang itinaguyod ang pagnanais na mapagkalooban ng maayos na buhay ang mga anak.

Kahit pa nga pilit na sinisikap ni Domeng na paglabanan ang nararanasang kalungkutan sa maagang pagpanaw ng kanyang asawa, halata sa kanyang pigura ang labis na pagka-lumbay na hindi naikaila sa kanyang mga magulang, kapatid at mga kaanak.

Kahit pa nga hinimok siya ng mga magulang at kaanak na muling buksan ang puso sa tawag ng pag-ibig, nanatili sa puso at isipan ni Domeng ang pagmamahal na iniukol sa namayapang asawa at halos ubusin ang panahon sa pagsusumikap na matupad ang pangarap para sa kanyang mga anak.

Dahil wala na ang katuwang ni Domeng sa paghahanapbuhay sa palengke ng Lemery, ­ipinasiya niyang makipagsapalaran sa lungsod ng Maynila upang matiyak na matutustusan ang pag-aaral ng tatlo niyang mga anak lalo na’t ulila na sa ina ang mga bata.

Malaking hamon kay Domeng ang pangarap na mapagtapos sa malaking pamantasan sa kanilang lalawigan sa Batangas ang mga anak kaya’t nagpumilit siyang humanap ng maayos na mapagkakakitaan sa lungsod.

Masuwerte namang napasok bilang checker si Domeng sa Ersan Movers, isa sa malaking ­trucking company na may sentro ng operasyon ng Harbour Center Port Terminal Inc. sa Vitas, Tondo, kaya’t humanap siya ng malapit na tirahan sa naturang lugar.