Nakakita naman ng matitirhan si Domeng sa kalapit na lungsod ng Navotas city kaya’t dito rin tumutuloy kapag lumuluwas ng Maynila ang panganay niyang kapatid na si Manong Max na noon ay nagpasiya namang magbitiw bilang miyembro ng Philippine Air Force matapos mapasok bilang checker din ng naturang truc­king company.

Bagama’t sapat naman ang sahod ni Domeng bilang ­checker ng trucking ­company, umi­sip siya ng iba pang mapagkakakitaan upang maidagdag sa ipinapadalang salapi sa kanyang mga magulang na panggastos sa matrikula at iba pang gastusin sa pag-aaral ng mga anak.

Dito naisip ni Domeng na magtinda ng balot at chi­charon sa loob ng Harbour Center kapag natapos na ang kanyang tour of duty bilang checker sa trucking company.

Ang ­maliit na puhunan ni Domeng sa pagtitinda ng balot at chicha­ron ay ­unti-unting lumaki dahil naging mabili ang kanyang mga paninda lalu na’t wala siyang kakumpitensya sa pagtitinda sa loob ng port terminal.

Dahil rito, nagpasya si Domeng na magtinda rin ng kape at tinapay, gamit ang isang maliit na mesa sa loob ng port ­terminal. Kapag naka-duty si Domeng sa trabaho, ang kanyang nakatatandang kapatid na si Manong Max na pumasok ang nagbabantay ng kanyang mga paninda.

Matulin pang lumipas ang panahon at halos 10-taon makaraang mamatay si Celestina, nakilala ni Domeng si Violeta Ancheta sa pamamagitan ng isang tiyuhin ng dalaga.