Bagama’t isa ring taal na taga-San Nicolas, Batangas, matagal na nanatili at nagkaisip si Violeta sa malayong lalawigan ng Isabela kung saan nanirahan ang kanyang mga magulang.

Kung tutuusin, hindi na iba si Violeta na kilala sa tawag na ‘Lalie’ sa pamilya nina Celestina Barredo dahil pinsang-makalawa ng ina ng dalaga ang namayapang may-bahay ng Domeng.

Isa ito sa dahilan kaya’t malapit sa pamilya Barredo, at maging sa mga anak ng mag-asawang Celestina at Domeng, si Lalie.

Tulad ni Domeng, masipag din sa paghahanap-buhay si Lalie kaya’t hindi niya napag-ukulan ng pansin ang mga lalaking namintuho sa kanya dahil mas higit na mahalaga sa kanya na ubusin ang oras sa trabaho at pagtulong sa mga magulang.

Mula naman ng makilala ni Domeng si Lalie, mistulang nagising sa mahabang pagkakatulog ang puso ng lalaki sa tawag ng panibagong pag-ibig dahil bukod sa nabighani siya sa angking kariktan ng dalaga, hinangaan din niya ang kasipagan ng babae at diskarte sa paghahanapbuhay.

Hindi naman nakaila sa pamilya Panganiban ang kakaibang kislap na muli ng mata ng biyudo sa tuwing magkikita sila ni Lalie kaya’t wala sila tutol, maging ang mga anak ng lalaki, kung sakali at magpasiyang muli na mag-asawa si Domeng.

Sa panayam ng TUGIS kay Lalie, sinabi niya na hindi mahirap mahalin si Domeng dahil bukod sa napakasigasig sa paghahanapbuhay, napakabait aniya ang lalaki kaya’t sa tagal ng pananatili niya bilang dalaga, sa biyudo lang aniya niya nakita ang hinahanap niyang magiging katuwang sa buhay.