Suspek sa pagpatay sa ulirang ama, arestado makalipas ang isang taon

LIKAS na siguro sa isang tao ang magkaroon ng inggit sa kapwa lalo na kung inaakala na nakakahigit sa kanya ang taong kinaiingitan o lagi siyang nauunahan sa lahat ng bagay na matagal na niyang ninanais.

Walang pagkakaiba ang inggit sa pagkakaroon ng hinanakit o panibugho lalo na’t karamihan sa mga taong inaalipuntahan ng pagkainggit sa kapwa ay nalalason ang isipan sa paggawa ng hindi maganda sa taong kinaiinggitan.

Kung tutuusin, hindi lang naman mga ordinaryong tao ang tinutubuan ng inggit sa katawan kundi maging ang mga naging bantog na tao sa kasaysayan tulad nina Napoleon Bonaparte, Julius Cesar Alexander the Great at maging si German Dictator Adolf Hitler.

Lahat sila ay nakaranas ng inggit sa kapwa na posibleng naging dahilan upang makagawa ng mga bagay na sa kanilang paniniwala ay isang paraan upang mapagtagumpayan at mahigitan ang taong kinaiingitan.

Kadalasan, ang labis na pagkakaroon ng inggit sa kapuwa ay nagreresulta sa pagkalason ng isipan ng isang taong may hinanakit sa kapuwa. Maaa­ring siraan niya ang taong kinaiingitan at ipagsabi sa mga kakilala at kaibigan ang hindi magandang katangian ng taong kanyang kinaiinggitan.

Subalit ang higit na pinakamapanganib na dulot ng inggit sa kapwa ay ang pagpaplanong likidahin o tuluyang patayin ang taong kinaiingitan o ang umupa ng isang taong gagawa nito para sa kanya.

Kung tutuusin, marami ng naitalang krimen na hindi nalutas ng kapulisan dahil walang makitang motibo ang pulisya at maging ng pamilya ng napapaslang kung bakit isinagawa ang pagpatay kaya’t hindi napagkakalooban ng hustisya ang nasawi hanggang mabaon na sa limot ang usapin.