Matapos ang apat na buwang pagtatago, naaresto rin ng mga awtoridad ang lalaking brutal na pumatay sa kaniyang karelasyong guro sa Bacuitana Elementary School sa Barangay Hindang kamakailan.

Ang nadakip na suspek ay kinilalang si Albert Bansalao, dating karelasyon ng biktimang si Cheryl Dologuin.

Magugunitang buwan ng Enero nang pagsasaksakin ang guro habang nagkaklase sa nabanggit na eskuwelahan.

Lumilitaw na hindi umano matanggap ng salarin ang pakiki­paghiwalay sa kanya ng guro matapos madiskubreng may asawa’t mga anak na ang nobyo.

Sa paglalahad ni Station 5 De­puty Commander Police Captain Ferdinand Destua, base na rin pahayag ni Bansalao, labis na nagalit ang suspek nang ipa-blotter ito at pinapunta pa ng guro ang mga pulis sa kanyang bahay.

Binanggit naman ng ina ng biktima na si Lydia na kaya nila pina-blotter ang salarin ay dahil na rin sa tangka umano nitong pagdukot sa guro.