Suspek sa school robbery sa Nueva Ecija itinumba

ALIAGA, Nueva Ecija — Pinaslang ng hindi pa nakikilalang salarin noong Miyerkules ng hapon sa kahabaan ng Cabanatuan-Carmen Road, sakop ng Brgy. San Juan ang itinuturong nasa likod ng nakawan sa ilang paaralan sa bayang ito.

Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni P/Sr. Supt. Manuel Cornel, Nueva Ecija police director, nakilala ang pinaslang na si Demetrio Ulip Castillo y Bulaw, 44, residente ng Brgy. Gen. Luna, Zaragosa, Nueva Ecija.

Lumitaw sa imbestigasyon ni PO 2 Francis Tagudin na dakong ala-1:30 ng hapon, minamaneho ni Castillo ang kanyang motorsiklo, sakay ang live-in partner na si Joy Bernardo Regelado, 42, at isang taong gulang na anak na si Daniel Regelado Castillo nang mangyari ang pamamaslang.

Nabatid na galing ang biktima sa unang pagdinig sa kinakaharap na dalawang robbery cases sa Provincial Prosecutor’s Office sa Cabanatuan City nang pagbabarilin ng riding-in-tandem.

Sa kabutihang palad ay kapwa hindi nasugatan ang live-in partner at ang kanilang anak.

Umabot sa 9 basyo ng bala ng caliber .45 ang narekober sa lugar ng krimen.

Nakumpirma pa ng Abante TONITE na isa pang suspek na kasama ni Castillo sa kaso dinidinig sa sala ni Asst. Prosecutor Emmanuel Catahan, na si Ricky Feliciano, ay pinaslang din ng ‘di pa nakikilalang ri­ding-in-tandem nitong September 12, 2016 sa Brgy. Sto Tomas, sa bayang ito.