May pag-asa pa umanong mabawi ang ipinataw na isang buwang suspension order ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa operasyon ng Uber.
Ito’y ayon kay Senador Grace Poe matapos ang pakikipagpulong nito sa mga opisyal ng LTFRB at Uber bilang siyang chairman ng Senate Committee on Public Services.
Ayon kay Poe, nagbunga naman ng positibo ang naturang pulong bagama’t dismayado umano rin siya dahil sa prosesong kailangan pang daanan bago maresobla ang problema.
“Kahit papaano may kinahinatnan ang miting na ito, masaya ba kami? Masaya na medyo malungkot rin. Masaya kasi sa tingin ko magkaroon ng resolusyon na mas maikli pero malungkot rin dahil nakita natin na mismong proseso ang nagpapabagal sa resolusyon,” ayon kay Poe.
Tinukoy ni Poe, na kailangan pang maghain ng panibagong pleading ang Uber bilang bahagi ng proseso at ito’y dedesisyunan pa ng LTFRB.
“Kailangan pang maghain ng isa pang pleading ang Uber na kailangan pang desisyunan ng LTFRB dahil may sinusunod silang proseso,” ayon kay Poe.
Sa pleading, hihilingin ng Uber na patawan na lamang sila ng multa sa halip na suspension upang makabalik na sila sa operasyon.
Inaasahang dedesisyunan ito ng LTFRB kabilang na kung magkano ang multa na ipapataw.
Dahil dito, ayon kay Poe, nalulungkot siya dahil gustuhin mang mapabilis ang pagresobla sa gusot ng dalawa ay wala siyang magagawa dahil may proseso umanong kailangan sundin ang LTFRB.
Gayunpaman, pinuri ng senador ang Uber dahil bukod sa pag-amin nito sa pagkakamali ay ipinangako umano nitong ibibigay nila ang kompensasyon sa mga drivers.
“Ang offer ng Uber ay napaka-generous, dahil una tinatanggap nila ang kanilang pagkakamali. Pangalawa, sinabi din mismo nila na kung ano ang requirements ng LTFRB na hinihingi sa kanilang mga data ay ibibigay nila, at pangatlo sinabi nila na ang kompensasyon na ibibigay nila sa mga drivers ay ibibigay nila at magbabayad sila ng multa,” ayon kay Poe.