Suspensiyon ng klase sa SEAG nadagdagan

Kanselasyon ng klase sa SEAG PARA sa seguridad

Patuloy na nadadag­dagan ang bilang ng mga paaralang nagsuspinde ng klase dahil sa 30th SEA Games.

Ito ay sakabilang nang ginawang pagbasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mungkahing suspendihin ang klase ng mga estudyante sa buong Metro Manila sa buong panahon ng SEAG Games.

Sinabi ng Pangulo na masyadong mahaba ang 12 araw na walang pasok ang mga estud­yante.

Tiyak aniyang papa­lakpak sa tuwa ang mga estudyante kapag pinagbigyan niya ang suspensiyon ng klase.

“I do not agree. That’s too long. That is simply too long. Kung ako ang estudyante niyan, palakpak lang ako nang palakpak. Kung gusto n’yo Olympic na lang tayo araw-araw,” anang Pangulo.

Suportado naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mungka­hing suspensiyon ng klase para maging maayos at tuloy-tuloy ang convoy ng sasakyan ng mga atleta na ang laro ay nasa Metro Manila.

Sa ngayon ay anim na pampublikong paaralan lamang ang sinuspinde ng Department of Education (DepEd) sa Pasay City, Pasig City at Maynila dahil ang mga ito ay ginagamit na pansamantalang tuluyan ng mga atleta.

Tuluyan na ring nagsuspinde ng klase ‘all leve l’ sa San Juan City; St. Paul College-Pasig, St. Pedro Poveda College, De La Salle University, De La Salle College of St. Benilde, St. Scholastica’s College, Arellano University, Wesleyan College at Malate College School sa Metro Manila; Subic Cluster all levels at South Luzon Cluster na all level din. (Aileen Taliping/Aivan Episcope)