Malalaman sa pagpupulong ng gabinete sa Malacañang sa darating na Martes kung aaprubahan o hindi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na bawiin ang planong suspensiyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa susunod na taon.
Una na kasing inirekomenda ng mga economic manager na suspendihin muna ang ipinapataw na buwis sa mga produktong petrolyo matapos na tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang pamilihan. Pero biglang binawi ng mga economic manager ang kanilang rekomendasyon dahil naman sa pagbaba ng presyo ng petrolyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakatakdang talakayin sa cabinet meeting sa Disyembre 4 ang rekomendasyon ng DBCC.
Kinakailangan din aniyang ikunsidera ang sentimyento ng mga consumer sa mungkahing bawiin ang naunang plano na pagsuspinde sa excise tax sa langis at hindi lamang ang aspetong pang-ekonomiya.
Sinabi ni Panelo na titimbangin ni Pangulong Duterte ang magkabilang panig, alinsunod sa nakasaad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Pinayuhan ng Kalihim ang publiko na hintayin ang desisyon ng Pangulo dahil tiyak na ibabase aniya ito sa interes ng bansa at sa kapakinabangan ng sambayanan.